SMEA, tinutukan ng DepEd Imus

April 4, 2019 | By: Jenielyn A. Sadang
                                OIC-Education Program Specialist II
e-Carscope 2020 at work
Ipinaliliwanag ni OIC-EPS II Jenielyn A. Sadang (kaliwa) sa mga punongguro at coordinators ang resulta ng SMEA sa 1st at 2nd quarter. (Larawang kuha ni Matea-Alvyn H. Trinidad)

Isinagawa ng DepEd Imus City, sa pangunguna ng School Governance and Operations Division (SGOD), ang pagtutuos sa paggamit at implementasyon ng School Monitoring Evaluation and Adjustment (SMEA) ng 35 pampublikong paaralan sa lungsod noong Marso 12 sa ICT Technohub ng Imus National High School.

Dumalo sa naturang implementation review ang mga punongguro bilang School Quality Management Team (SQMT) chairpersons at ang kanilang mga guro na SMEA coordinators.

Inilunsad bilang pangkalahatang gawain ng mga paaralan sa buong Dibisyon, sinimulan noong unang kwarter ng Taong Panuruan 2018-2019 ang paggamit at pagsumite ng SMEA template upang masubaybayan ang pagsasagawa at pagganap ng mga paaralan sa mga aspeto ng Quality, Access at Governance.

Matapos ang pag-aanalisa sa mga datos na nakuha mula sa una at ikalawang kwarter, ibinahagi ni Jenielyn A. Sadang, OIC-EPS II ng School Management Monitoring and Evaluation, ang nakalap na resulta at ang kabuuang response rate.

Sinusugan din ito ng pagsilip sa resulta ng una at ikalawang markahang pagtutuos (grading test) at mga nakalap na tatlong least mastered skills sa bawat asignatura na pinangunahan ni Gregorio A. Co Jr., OIC-Chief ng SGOD.

Inilahad din ni Sadang ang mga pagbabago o adjustment na mangyayari sa SMEA upang mas lalo pang mapaigi, mapabilis at maitama ang pagtutuos at mga pagtugon patungkol sa paaralan.

Nabigyan ng pagkakataon ang mga paaralan upang makapagbahagi ng kanilang “best practices” sa pagmo-monitor ng mga programa, proyekto at gawain.

Isa si Arturo P. Rosaroso Jr., Principal IV ng Imus National High School, sa naniniwala sa positibong dulot ng SMEA.

“Ang SMEA ay isang napakagandang gawain dahil nasusubaybayan ng tulad kong punongguro at ng aming SMEA coordinator ang kasalukuyang estado ng paaralan kabilang ang paglago nito at maging ang pangangailangan ng mga mag-aaral nang sa gayon ay maituloy ang maganda na at magawan ng paraan ang mga dapat pang maisaayos,” ani Rosaroso.

Sa pagtatapos, hinimok ni Sadang ang mga paaralan na bigyan ng kaukulang atensyon ang SMEA “bilang tugon na rin po sa itinuturo sa atin sa DepEd na needs-based at evidence-based decision making.”

e-Carscope 2020 at work
Isang halimbawa ng tanong sa SMEA template sa ilalim ng Governance. Mayroon ding mga tanong na tungkol naman sa Access at Quality. (Larawang kuha ni Matea-Alvyn H. Trinidad)