Featured Programs

ARAL, ALAM, ASAL
Tatlong Haligi ng Edukasyong Imusenyo, Pormal na Inilunsad

By: Marycon G. Mela
Mark Deo S. Esquita
Mary Ann N. Villareal
Joanne V. Cura

Gen. Emilio Aguinaldo National High School


Tapatan




























Nagbuklod ang Schools Division Office of Imus City (SDOIC) at Pamahalaang Lungsod ng Imus sa makasaysayang paglulunsad ng “Angat ang may ALAM at ASAL para sa Program ARAL” noong Agosto 11, 2025 sa Imus City Government Center Function Hall. Layunin ng malawakang inisyatibang ito na paigtingin ang kalidad ng edukasyon sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kaalaman, kasanayan, at wastong asal ng mga batang Imusenyo.

Pinangunahan ang makulay na programa ng mga pangunahing lider ng SDOIC na sina OIC - Schools Division Superintendent Homer N. Mendoza, OIC - ASDS Glenda DS. Catadman, OIC - CID Chief Marciano V. Valles, at OIC - SGOD Chief Ivan Honorpette A. Mijares.

Nakiisa rin ang mga haligi ng lokal na pamahalaan, kabilang sina Imus City Mayor Hon. Alex “AA” L. Advincula, Vice Mayor Hon. Homer T. Saquilayan, at City Councilor Hon. Gregorio Miguel B. Ocampo Jr., Chair on Committee on Education.

Sa kanyang talumpati, binigyangdiin ni Mayor Advincula ang kahalagahan ng disiplina sa mga kabataan at ang gampanin ng mga paaralan na hubugin ito. Ipinaliwanag naman ni SDS Mendoza ang kahalagahan ng edukasyon sa pagbuo ng isang magandang kinabukasan para sa mga kabataan.

Sunod-sunod na tinalakay ng mga Education Program Supervisor (EPS) ang bawat inisyatiba. Inilatag ni Gng. Maria Luisa F. Candelaria, EPSMathematics, ang pangkalahatang overview ng ARAL Program. Sinundan ito ni G. Joseph R. Carreon, EPS-TLE, na nagbahagi tungkol sa Project ALAM, na naglalayong paghusayin ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral. Ipinresenta naman ni Gng. Riza C. Garcia, EPS-English, ang Project READS, na nakatuon sa pagpapalakas ng pagbasa. Tinapos ang serye ng presentasyon ni Dr. Ruby B. Heramia, EPS-Values Education, sa pagpapaliwanag ng Project ASAL, na nakasentro sa pagtuturo ng wastong pag-uugali at pagpapahalaga.

Naki-bahagi rin sa aktibidad ang mga punong-guro at OIC ng mga paaralan, mga guro, at mga opisyal ng School Parents-Teachers Association (SPTA), bilang patunay ng matibay na suporta ng buong komunidad sa inisyatiba. Pinangunahan ni Dr. Marilou P. Bronzi, EPS-Filipino, ang Pledge of Commitment bilang simbolo ng pagtutulungan para sa edukasyon. Kasunod nito ay isinagawa ang Symbolic Launching Ceremony na pinamunuan ng SDO Imus at LGU Imus.

Bilang pagtatapos, nagpasalamat si Dr. Valles sa lahat ng lumahok at tiniyak na “Ito ay simula lamang ng mas malawak at mas matatag na paglalakbay para sa edukasyon sa Imus.”

Sa pagbubukas ng bagong kabanata sa edukasyon ng lungsod, nagsisilbing tatlong haligi ang ARAL, ALAM, at ASAL, mga proyektong maghuhubog sa talino at pagkatao ng bawat batang Imusenyo.