133 batang Imuseño, bida sa eye care project ng Kiwanis

By: Philadelphia V. Gozar
Inalalayan nina Dr. Alma Samaniego (kaliwa) at Dr. Annabelle M. Asuncion (kanan) ang isang mag-aaral para sa computer eye check-up
Inalalayan nina Dr. Alma Samaniego (kaliwa) at Dr. Annabelle M. Asuncion (kanan) ang isang mag-aaral para sa computer eye check-up, bahagi ng “Bigyang Linaw ang Bukas” Eye Care Project ng Kiwanis Club ng Imus noong Agosto 5. (Larawang kuha ni Marivic L. Reyes)

Sa layuning mapaglingkuran ang mga kabataan sa mundo, idinaos ng Kiwanis Club of Imus Inc. ang kanilang kauna-unahang Eye Care Project sa Paaralang Elementarya ng Imus Pilot noong Agosto 5 na dinaluhan ng mga iba’t ibang mag-aaral sa Imus.

Pinangunahan ni June Seculles, pangulo ng Kiwanis Club, ang pagdiriwang ng eye consciousness month sa proyektong may temang “Bigyang Linaw ang Bukas” na nagkaloob ng libreng eye check-up sa 133 piling mag-aaral mula Special Education (SPED) hanggang Senior High School.

Nakipagtulungan din ang mga optometrist na sina Dr. Annabelle Asuncion, Dr. Agnes Adulta, at Dr. Alma Mamon Samaniego at ang Grand Monaco Foundation na pinamunuan ni G. Rey Carpio upang matagumpay na maisagawa ang community outreach na ito.

Anila, magkakaroon ng Awarding of Eye Glasses sa Agosto 26 kung saan ipagkakaloob ang mga libreng eye glasses sa mga nagpa-check up.

“Nakatutuwa na may ganitong programa ang Kiwanis dahil malaking tulong ito sa kabataang tulad ko na apat hanggang limang oras na nagbababad sa social media kaya lumabo na mata ko,” ani Kristine Joan Ibañez, mag-aaral sa General Emilio Aguinaldo National High School.

Inaalam ni Dr. Annabelle M. Asuncion ang grado ng mata ng isang mag-aaral sa 
                                            Imus Pilot ES gamit ang Snelles Chart
Inaalam ni Dr. Annabelle M. Asuncion ang grado ng mata ng isang mag-aaral sa Imus Pilot ES gamit ang Snelles Chart sa ginanap na Eye Care Project ng Kiwanis Club. (Larawang kuha ni Marivic L. Reyes)

Matatandaang hindi lamang ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbigay-serbisyo ang Kiwanis Club dahil nagkaroon na rin sila ng gift giving sa SPED at libreng gupit nitong nakaraang taon.

Kasunod ng gawaing ito, magkakaroon din sila sa mga susunod na buwan ng anime video roadshow na “Ang Prinsipe at ang Koran” na kapupulutan ng magagandang asal ng mga bata.