Imus City Campus Journ Team, umani ng 21 parangal sa NSPC

By: Christian Mespher A. Hernandez
Nag-uwi ng 21 karangalan ang SDO Imus City matapos magwagi ang apat sa limang batang manunulat at apat ding school publication sa ginanap na National Schools Press Conference (NSPC) sa Pagadian City, Enero 22-26.
HATAW. Nag-uwi ng 21 karangalan ang Lungsod ng Imus matapos magwagi ang apat sa limang batang manunulat at apat ding school publication sa ginanap na National Schools Press Conference (NSPC) sa Pagadian City, Enero 22-26.

Apat na batang manunulat at apat na pahayagang pangkampus ng Lungsod ng Imus ang nagwagi sa iba’t ibang kategorya sa ginanap na National Schools Press Conference (NSPC) ng Department of Education (DepEd) mula Enero 22-26 sa Pagadian City, Zamboanga del Sur na may temang “Strengthening Freedom of Information through Campus Journalism.”

Dalawampu’t isang pagkilala (17 tropeyo at apat na medalya) ang naging ambag ng Lungsod ng Imus sa kabuuang puntos ng Rehiyon IV-A CALABARZON na itinanghal na over-all champion sa ikalimang sunod na taon sa pinakamataas na kumpetisyon sa larangan ng pamahayagang pangkampus na sinasalihan ng pinakamahuhusay na batang mamamahayag at tagapayo mula sa 18 rehiyon sa bansa.

Nanguna sa mga nagwaging batang manunulat si Ma. Erich Charlene Barnes ng St. Edward Schools na kinilalang ikalawang pinakamahusay sa Pagsulat ng Lathalain-Elementarya.

Pumasok din sa Top 7 ng kani-kanilang kategorya sina Jhames Sabellano ng Gen. Pantaleon Garcia Senior High School, 4th place sa Pagsulat ng Lathalain-Sekundarya; Wilson D. Salinio ng Bukandala ES, 6th place sa Pagguhit ng Kartung Editoryal-Elementarya; at Emirie May G. Advincula, 6th place sa Feature Writing-Secondary.

Kinilala naman bilang isa sa mga pinakamahuhusay na pamahayagang pangkampus ang The Patriot ng Gen. Emilio Aguinaldo National High School, Ang Kaimito at The Starapple ng Imus Pilot Elementary School, at The Estoile ng St. Edward Schools.

Itinanghal na ikatlong pinakamahusay na publikasyon sa Secondary-English category ang The Patriot matapos mapagwagian ang ikalawang pwesto sa Editorial Page, ika-apat sa Sports Page at ikalima sa Page Layout.

Sa kategoryang Elementary-Filipino, iniuwi ng Ang Kaimito ang ikapitong pwesto sa Pahinang Balita, ika-anim sa Pahinang Editoryal, ika-anim sa Pahinang Isports at ika-anim din sa Pag-aanyo ng Pahina, sapat upang maging ika-anim na pinakamahusay na publikasyon sa bansa.

Napagwagian naman ng The Starapple ang ikalawang pwesto sa News Page, ikatlo sa Editorial Page, ika-apat sa Sports Page at ikapito sa Features Page upang tanghaling ikapitong pinakamahusay na publikasyon sa Elementary-English.

Samantala, hindi man nakapasok sa Top 7, nakakuha rin ng tatlong pagkilala ang The Estoile na nagkamit ng ika-anim na pwesto sa Editorial Page, ika-anim sa Sports Page at ikalima sa Page Layout.

Bago sumabak sa NSPC, matatandaang umukit ng kasaysayan ang Schools Division of Imus City matapos magtala ng 2,901 puntos upang hiranging 3rd Over-all Best Performing Division ng CALABARZON sa ginanap na Regional Schools Press Conference (RSPC) noong Disyembre 5-7 sa Batangas City.