18 atletang Imuseño, sasabak sa Palarong Pambansa

By: CHRISTIAN MESPHER A. HERNANDEZ
KAMI ANG IMUS POLE BEARERS
KAMI ANG IMUS POLE BEARERS. Matapos magtagumpay sa Regional Sports Competition, ipinakita ng mga batang atleta ng Imus kay Mayor Emmanuel L. Maliksi at mga kawani ng pamahalaang lungsod ang mga napagwagiang medalya. Sasabak ang 18 sa kanila sa Palarong Pambansa 2017 na gaganapin sa Antique. (Larawang kuha ng City Information Office)

May kabuuang 18 atletang Imuseño mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Imus ang makikipagtunggali sa mga pinakamagagaling na batang atleta sa buong kapuluan sa pagdaraos ng Palarong Pambansa 2017 sa San Jose, Antique mula Abril 23-29 na may temang “Converge Youth Power, Build Sustainable Future.”

Napili silang kinatawan ng Rehiyon IV-A CALABARZON sa iba’t ibang kasanayan matapos umani ng gintong medalya o mahugot sa bisa ng pagpapamalas ng hindi matatawarang husay sa nagdaang Regional Sports Competition (RSC).

Limang mag-aaral ng Elizabeth Seton School – South Campus ang babandera sa swimming event. Sina Ralph Anrey S. Del Rosario at Matthew Thomas Alumbres ang sa elementarya habang sila Luis Angelo M. Hernandez, Anne Gabrielle Purisima at Angelo Gabriel P. Propeta ang sa sekundarya.

Sasalang naman sa tennis ang pares nina Christy S. Sanosa at Rica May S. Ombe, na parehong mula sa Gen. Emilio Aguinaldo NHS.

Isa pang estudyante ng GEANHS, si Michael Karl Gomez ang napabilang sa athletics kasama si John Paul Dizon ng Gen. Flaviano Yengko SHS na sasabak sa high jump.

Tig-iisang batang atleta ang lalaro rin sa iba pang kasanayan. Kabilang dito sila Curt Andrei Dayao ng Imus Pilot ES sa table tennis, Carilyn P. Nicolas ng Bukandala ES sa volleyball, Manuel Antonio Luis Pablo ng St. Edward Integrated School sa basketball at Anna Martina L. Canlas ng Bukandala ES sa softball at Nyson Damiane A. Reyes ng Our Lady of Pillar Catholic School sa badminton.

Kasama rin sa makikipagsapalaran sa Antique sina Marvin Asis ng Imus NHS – Main sa billiards, Joselle S. Daguinod ng Maranatha Christian Academy sa taekwondo at ang dalawang Special Education (SPED) learners na sina Adriel G. Villanueva ng GEANHS at Deniel R. Falcutilla ng Angelorum para sa ID Swimming at OH Swimming.

Makakasama ng 18 batang atleta ang 14 na opisyal kabilang ang coaches at event coordinators. Pinangungunahan sila nina Joel Legaspi, honoray official mula sa Imus Sports Council; at Ronnie B. Yohan, athletic manager mula sa Schools Division of Imus City.

Bilang suporta sa mas lumalakas na sports development program ng Imus, sinagot ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Emmanuel L. Maliksi ang food at transportation allowance at iba pang pangangailangan ng 32-kataong delegasyon.