Tinabunan, pinakamahusay sa Gulayan sa Paaralan

April 1, 2019 | By: Ma. Fe C. Cernechez
                                Teacher I, Toclong ES
e-Carscope 2020 at work
PASOK PO KAYO. Nag-ikot ang mga regional evaluators sa pamumuno ni G. Bernardo Pascual (kaliwa) ng ESSD kasama ang mga opisyal ng SDO Imus City sa Bio-Intensive Garden (BIG) ng Tinabunan ES. (Larawan mula sa FB page ng Tinabunan ES)

Nagbunga ang pagsisikap ng buong komunidad ng Tinabunan, isang paaralang elementarya mula sa Schools Division Office of Imus City, matapos magwagi ng unang puwesto sa Search for Outstanding Gulayan sa Paaralan Program (GPP) Implementer sa buong Rehiyon IV-A CALABARZON.

Sa regional memorandum na inilabas noong Marso 4, itinanghal na pinakamahusay ang Tinabunan ES sa implementasyon ng GPP kasunod ang mga paaralan mula sa Batangas Province, Cavite Province, Dasmariñas City at Antipolo City.

Ayon kay G. Jesus Bergado, punungguro, malaki ang naging papel ng kanilang garden teacher na si Gng. Marie N. Ann Galas sa kanilang pagkapanalo, bukod pa sa pagkakaroon ng bukas na komunikasyon at ang buong suporta na ibinibigay ng DepEd Imus City.

“Kailangan kasi na ang garden teacher ay dedikado talaga, may time, effort, at commitment para maging successful ang garden at supported ng lahat ng mga kaguruan sa paaralan at nagbibigay ng idea sa bawat isa.

May open communication kasi kami, kung ano ang pangangailangan nakikinig at sumusuporta ako, pati na rin sa mga superbisor ng Division natin gaya ni Sir Rolando Talon,” paliwanag ni Bergado.

Binigyang-diin ng punungguro na mahalaga ang komunikasyon at pagkakaisa sa pagkapanalo kung saan mayroon dapat “one goal” ang isang organisasyon.

“Katulad din sa ating SDO na may one vision, one heart, one direction, ganun dapat tayo,” aniya pa.

Bago pa ang resulta ng regional search, dalawang taon na ring hawak ng Tinabunan ES ang titulo bilang Best Organikong Gulayan sa lokal na pamahalaan ng Imus mula 2017-2018.

Naging research center din ng International Institute of Rural Reconstruction (IIRR) ang gulayan ng Tinabunan mula taong 2015 kung saan itinuturing na ang paaralan na sentinel school ng rehiyon.

“Punumpuno kasi ang gulayan namin, halos binubuo na ng 60 uri ng mga pananim kasama na ang mga katutubong gulay at hindi kami gumagamit ng mga binibiling pataba kundi puro organiko lamang,” dagdag ng punungguro.

Hanggang sa kasalukuyan, ipinapalaganap pa rin ng paaralan ang Bio-Intensive Gardening o BIG standards tulad ng paggamit sa mga kakawate (Gliricidia sepium) bilang pinagkukunan ng green fertilizer at ang mulching (isang sistema na gumagamit ng mga tuyong dahon na inilalagay sa ibabaw ng mga kamang-taniman na siyang nagsisilbing pataba ng mga halaman).

Pang-Internasyunal

Ibinahagi ni Bergado na nakilala na rin ang Gulayan sa Paaralan ng Tinabunan hindi lamang sa lungsod ng Imus kundi maging sa iba’t ibang rehiyon at ibang bansa na nakatulong sa mas malawakang pagpapalaganap ng proseso ng pagpapaunlad ng mga gulayan.

Sa tala ng paaralan, nag-benchmarking na sa kanila ang mga Rehiyon 3, 8, 9, 11, 12, ARMM at NCR sa naganap na National Capacity Building on the Integrated School Nutrition Model (ISNM) na nakaangkla sa produksyon ng kanilang Gulayan sa Paaralan sa pagpapalakas ng programa laban sa malnutrisyon ng mga mag-aaral.

Dumayo na rin sa Tinabunan ang ilang kinatawan mula sa ibang bansa tulad ng Ethiopia, South Sudan, Uganda, Kenya, Zimbabwe, Nepal, Indonesia, Israel, Columbia, Myanmar at Amsterdam kung saan pinuri ng mga ito ang koneksyon ng gulayan sa school-based feeding program.

Konektadong mga Plano

Ayon pa sa kanya, patuloy na magsisikap ang paaralan sa pagpapaunlad ng kanilang gulayan alinsunod na rin sa muling pagbuhay ng DepEd Central Office sa programang School Inside a Garden (SIGA).

Target ng pamunuan na mas maging konektado pa ang pagpapaunlad ng gulayan sa iba pang mga programa ng paaralan.

Nakamit nila ang unang puwesto bilang School-based Feeding Program Best Implementer noong 2017 dahil na rin umano sa mga produktong inaani sa gulayan na naging sagot sa pagresolba ng malnutrisyon sa mga mag-aaral.

At hindi lamang ang kaalaman ng mga mag-aaral ang patuloy na inaabot ng pamunuan kundi maging ang komunidad kung saan nakikinabang din sa mga ipinapamahaging butong maaaring itanim ang maraming tahanang nabebenepisyuhan.

“May livestock din ang paaralan. Nag-aalaga kami ng mga bibe at manok na nakalilikha ng mga itlog na nagagamit din sa feeding program, mga baboy na maaaring makalikha ng organikong pataba at maaari ring ibenta pambili ng mga pangangailangan sa gulayan” ayon pa sa punungguro na isa ring garden teacher noong siya ay nagtuturo pa.

e-Carscope 2020 at work
Binisita rin ng regional evaluators and nursery ng mga halaman sa Tinabunan na kaloob ng Provincial Agriculture Office. (Larawan mula sa FB page ng Tinabunan ES)
Girl