Kampanya para sa Early Registration, pinalakas ng SDO Imus City

February 27, 2020 | By: Matea-Alvyn H. Trinidad
                                SEPS, Planning & Research, SDO Imus City
e-Carscope 2020 at work
Anunsyo sa Radyo Singko ni Mon Gualvez

IMUS CITY - Inaasahan ang pagtaas ng bilang ng early registrants sa Schools Division Office of Imus City dahil sa pinalakas na kampanya tungkol sa Early Registration.

Sa pakikipagtulungan sa Radyo Singko sa programa ni G. Mon Gualvez, news correspondent ng nasabing istasyon, sa kanyang programang Balita Alas Singko tuwing Linggo, inanunsiyo ni Gualvez ang kampanya ng Dibisyon sa maagang pagpapatala ng mga mag-aaral mula Kinder, Grade 1, Grade 7 at Grade 11 para sa Taong Panuruan 2020-2021.

Bukod sa pag-anunsiyo sa programa ay gumawa rin ang Dibisyon ng Early Registration jingle na pinatugtog ng mga paaralan sa kani-kanilang motorcade at maging sa loob ng school.

Gumawa rin ng instructional video ang Dibisyon na in-upload sa Youtube channel para mabigyan ng sapat at tamang kaalaman at impormasyon ang publiko tungkol sa Early Registration.

Pinalakas din ang pag-anunsiyo sa social media gaya ng Facebook.

e-Carscope 2020 at work
Anunsyo sa Lokal na Pahayagan

Ang mga pampublikong paaralan ng Dibisyon ay hindi rin nagpahuli sa pagpapalakas ng kampanya. Gumawa rin sila ng sari-sarili nilang jingle. Nag-anunsiyo sa pahayagang Cavite Times Journal ang Pasong Buaya II Elementary School, habang nag-anunsiyo rin gamit naman ang fliers at tarpaulin na may larawan ng sikat na artistang si Sarah Geronimo at nag-anyayang magpa-TALA (register) ang Toclong Elementary School tampok ang kanilang school mascot na si Tochi.

Ang Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan na si Dr. Rosemarie D. Torres ay kasamang sumuporta sa kampanyang ito. Sa huling bahagi ng instructional video ay inanyayahan niya ang mga kabataan na magpatala sa pinakamalapit na pampublikong paaralan at sinabing “mas maaga, mas maginhawa, kaya tara na… magpatala na.”

Sa ikatlong Sabado ng early registration ay nakapagtala na ng 8,842 na mag-aaral kung saan 4,471 ang lalaki at 4,371 ang babae.

Ang Early Registration ay ginagawa sa buong Pilipinas sa mga pampublikong paaralan tuwing huling Linggo ng Enero o unang Linggo ng Pebrero at tumatagal ng hanggang isang buwan.

Tandaan na ang maka pag aral ay isang karapatan, kaya, magpalista na!

e-Carscope 2020 at work
Magpa-TALA na sabi ni Tochi, mascot ng Toclong Elementary School